--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng pagbabakuna kontra African Swine Fever ang Regional ASF Coordinator ng Rehiyong Dos sa lalawigan ng Isabela para sa mga alagang baboy.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dra. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na nakaugnayan na ng kanilang tanggapan ang Regional ASF Coordinator kaugnay sa gagawing pagbabakuna.

Sisimulan umano ito sa susunod na linggo ngunit hindi pa matukoy sa ngayon ano ang eksaktong petsa.

Hindi pa naman malinaw sa ngayon kung saang bahagi ng lalawigan ang prayoridad at kung anong uri ng baboy ang makakatanggap ng bakuna kaya hiling niya na sana ay magkaroon muna ng briefing bago simulan ang vaccination para matukoy ng maigi ang target population.

--Ads--

Ayon kay Dra. Barboza, mayroon nang naiulat na nagpositibo ng ASF sa Batal, Santiago City na nagmula umano sa kinatay na baboy sa isang slaughter house.

Sa inisyal na inspeksyon sa nagpositibong baboy ay hindi aniya na-detect ang virus ngunit nang makatay ay nagduda na sila sa internal organ nito kaya isinailalim nila itong muli sa pagsusuri at dito na nagpositibo sa ASF.

Iniimbestgahan naman nila ngayon kung saang lugar galing ang naturang baboy.

Nilinaw naman niya na ang Lungsod ng Santiago ay isang independent City kaya hindi kasali sa talaan ng Isabela Veterinary Office ang naitalang kaso ng ASF doon.

Noong Enero ngayong taon pa aniya huling nakapagtala ang Isabela ng aktibong kaso ng ASF at ngayon ay idineklara na bilang Pink Zone ang lalawigan – nangangahulugan ito na matagal nang ASF Free ang nasa 17 na munsipalidad na nagpositibo noon sa naturang sakit.