CAUAYAN CITY- Hindi na masyadong lumalabas ng bahay ang mga Pilipinong nasa Israel dahil sa tumitinding tensyon sa mga kalaban nitong bansa.
Ito ay matapos ang pagkapatay kay Hamas Political Chief Ismail Haniyeh sa isang air strike ng Israel kung saan nagbanta ang Iran ng retalyasyon sa pagkasawi ng lider ng sinusuportahan nilang Hamas group.
Huling ganti ng Iran sa pag-atake ng Israel ang pinalipad nilang tatlong daang missiles at drones puntirya ang mga mahahalagang base militar at gusali ng Israel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Ricardo Correo, iniiwasan na nila ang paglabas ng bahay dahil sa takot sa pag-atake ng mga kalaban ng Israel.
May bomb shelter naman sa bahay ng kanyang employer na maari nilang pagtaguan sakaling may missile strike.
Aniya nakakalat na rin ang mga iron dome sa ibat ibang lugar upang depensahan ang mga ipapalipad na rockets papasok ng Israel.
Bagamat natatakot siya sa maaring mangyari ay wala pa naman siyang plano sa ngayon sa sumama sakaling magkaroon ng repatriation lalo na at kaka-renew lamang ng kanyang working visa sa Israel.