CAUAYAN CITY- Ikinatuwa ng grupo ng mga riders ang panukalang batas na layong maprotektahan ang mga inosenteng driver na nakukulong dahil sa pagkakasangkot sa mga aksidente sa daan dahil sa kamote drivers.
Ito ay kaugnay sa inihaing House Bill No. 10679 o ang Anti Kamote Driver Bill nina PBA Party-list Rep. Margarita Nograles at Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Almario na naglalayong amyendahan ang Article124 ng Revised Penal Code upang maisalba sa kaparusahan ang mga inosenteng driver.
Sa nasabing panukala ay maililigtas ang mga driver sa pagkakaditene kung may maipakita siyang katibayan o ebidensiya gaya na lamang ng CCTV o dashcam footage na nagpapatunay na wala itong kasalanan sa kinasasangkutang insidente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joey Tejada, Founding Chairman ng Isabela Pro Riders Club Inc, sinabi niya na maituturing ito bilang isang eye opener na hindi lahat ng nasasangkot sa aksidente ay may kasalanan.
Panahon na aniya na buwagin ang dating sistema para matuldukan na ang pagpapanagot sa mga inosente lalo na at masyadong mabigat ang mga kaparusahang naipapataw sa ilan.
Aniya, dito sa lalawigan ng Isabela ay marami pa din siyang nakikita na mga motorista na hindi marunong sumunod sa mga batas trapiko.
Dahil dito ay nararapat lamang na magtulungan ang komunidad, pamahalaan at ibang mga ahensya na suwayin ang mga motorista kapag nakitaan sila ng paglabag para maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente sa daan.
Kinakailangan aniya na mabigyan ng sapat na kaalaman ang bawat driver para malaman nila ang mga alintuntunin na dapat sundin sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lansangan.