--Ads--

Muling nagtala ng kasaysayan si Golden Boy Pinoy gymnast Carlos Edriel Yulo matapos nitong pagharian ang men’s artistic gymnastics vault final sa Paris Olympics.

Nagtala si Yulo ng flawless performance sa vault event finals at nakakuha ng score na 15.116 points.

Nakuha naman ni Artur Davtyan ng Armenia ang silver medal matapos makapagtala ng 14.966 points habang nakuha naman ni Harry Hepworth ng Great Britain ang bronze medal matapos magtala ng 14.949 points.

Si Yulo ang kauna-unahang Filipino Olympian na nakakuha ng higit sa isang medalya sa isang olympics.

--Ads--

Kahapon lamang nang makuha ni Yulo ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Paris Olympics matapos na pagharian ang men’s artistic gymnastics floor exercise final ng Paris Games na ginanap sa Bercy Arena.

Sa pagkamit ni Yulo sa ikalawang ginto ng bansa, pumailanlang naman muli ang pambansang awit ng Pilipinas na Lupang Hinirang sa ikatlong pagkakataon sa Olympics matapos ang pagkamit nito ng medalya sa floor exercise final kahapon at ang gold medal finish ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics noong 2021 sa weightlifting.