CAUAYAN CITY – Nananatiling tahimik ang ilang bahagi ng Lebanon sa kabila ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Hezbollah at Israel.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Sung Nunag na halos hindi sila apektado sa missile attack ng Israel sa Hezbollah dahil may kalayuan na ang Southern Lebanon sa Beirut.
Sa ngayon ay ligtas naman sila at walang mga Pilipinong naapektuhan.
Samantala dismayado pa rin ang mga Pilipino sa Lebanon dahil nananatiling nakataas ang Alert Level 3 status sa nasabing bansa.
Ito ay sa kabila ng paulit-ulit nilang kahilingan sa Philippine Embassy na alisin na ang alerto para mabigyan sila ng pagkakataon na makapagbakasyon dito sa Pilipinas at muling makabalik sa Lebanon para makapag-hanapbuhay.
Kung matatandaan noong buwan ng Hunyo ay nagsagawa ng kilos protesta sa harapan ng Embahada ng Pilipinas ang grupo ng mga OFW para ipatanggal ang alert status subalit hanggang ngayon ay pinapairal pa rin ito.