CAUAYAN CITY – Nagbabala ang HPG Isabela sa mga motoristang patuloy na umiiwas sa mga isinasagawa nilang Checkpoints at Operations dahil sa pagmamaneho na walang kaukulang papeles.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales sinabi niya na madalas nilang mapansin ang mahabang pila ng mga sasakyan sa gilid ng daan tuwing sila ay may operasyon.
Senyales ito na karamihan ng mga motorista ay patuloy na bumibiyahe o nagmamaneho kahit walang lisensya, walang OR/CR o kaya naman ay hindi rehistrado ang motorsiklo.
Aniya, madalas sa mga motoristang may traffic violation ay mga single motorcycle, sa kabila nito ay nag iingat din sila sa pagsita sa mga motoristang umiiwas sa mga enforcers.
Iginiit niya na mas prayoridad nila ang kaligtasan ng mga motorsitang bumabagtas sa mga pambansang lansangan kaya naman nag iingat sila sa paghuli sa mga ito.
Isa-isang kinakausap ng mga enforcers ang mga motorista na may mga traffic violation kung saan sila ay binibigyan ng pagkakataon at pinapayuhan silang magparehistro at kumuha ng lisensya.
Maliban sa mga motorsiklo ay may ilang 4-wheel vehicles din ang nakikita nilang lumalabag.
Patuloy din ang operasyon ng HPG sa mga panghuhuli sa mga malalaking truck na pumaparada sa gilid ng mga lansangan para maiwasan ang aksidente.