--Ads--

CAUAYAN CITY – Sumampa na sa halos isang libo ang naitalang kaso ng Dengue sa lalawigan ng Isabela ngayong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marvin Valiente ng Isabela Health Office, sinabi niya na simula Enero 2024 hanggang ika-lima ng Agosto ay nakapagtala na ang ahensiya ng 987 na kaso ng Dengue.

327 mula rito ay nasa edad isa hanggang sampu habang ang ilan naman ay nasa edad labing isa hanggang dalawampu.

Pito sa mga ito ay hinihinalang nasawi dahil sa sakit.

--Ads--

Higit namang mas mataas ang kabuuang datos ngayong taon kung ikukumpara noong nakaraang taon na mayroon lamang 454 dengue case sa kaparehong buwan habang noong Hulyo hanggang Disyembre 2023 ay umabot naman sa 1,328 ang naitala sa kaparehong sakit.

Aniya, tumataas ang kaso ng Dengue sa tuwing sumasapit ang buwan ng Hunyo dahil sa pagsisimula ng tag-ulan kung saan maraming naiimbak na tubig sa kung saan na siyang pinangigitlugan ng mga lamok.

Bagama’t pangatlo lamang ang Isabela sa pinakamaraming kaso ng Dengue sa Rehiyong Dos ay nakakaalarma pa rin aniya ang datos ngayong taon.

Nilinaw naman niya na hindi advisable ang fogging sa mga Barangay kung walang naitatalang sunod-sunod na kaso ng dengue sa loob ng dalawang buwan.

Kaya naman pinayuhan na lamang niya ang Publiko na ugaliing maglinis ng kapaligiran at huwag mag-imbak ng tubig para walang pamugaran ang mga lamok.