--Ads--

CAUAYAN CITY – Halos wala nang maibenta ang mga tindera ng isda sa pribadong pamilihan ng Cauayan dahil sa kakulangan ng suplay na isang linggo nang nararanasan.

Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa mga tindero ng isda, sinabi nila na tanging limang klase lamang ng isda ang kanilang ibinebenta at hindi na sila inaabot ng ala una ng tanghali sa pagbebenta.

Ramdam din aniya nila ang hirap sa pag-angkat ng paninda ngayon dahil wala nang maibigay sa kanila ang kanilang mga supplier dahilan kaya’t nagtaas rin ang presyo.

Sa ngayon ang Tahong ay mabibili sa halagang 120/kl, ang bangus ay nagkakahalaga 200/kl, ang presyo ng Pusit ay nasa 200/kl, habang 140 pesos naman ang kada kilo ng Galunggong at 150 pesos per kilo naman ang Tilapia.

--Ads--

Samantala, mababa naman ang presyo ng karne ng baboy sa Lungsod ng Cauayan bunsod sa napakaraming suplay nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jimmy Barcelo, sinabi niya na dalawang linggo na ring nararanasan ang mababang presyo.

Mula sa dating 300-320 pesos kada kilo ay nasa 260-270 na lamang ang kada kilo nito sa ngayon.

Sa dami aniya ng suplay ng baboy ay kinakailangan nilang babaan ang presyo para may bumili sa kanilang paninda.