CAUAYAN CITY – Ini-lobby na ni Gov. Rodito Albano ang pagkakaroon ng enabling law para sa sectoral representatives matapos na sila ay matanggalan na ng pondo na mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ito ay matapos magkaroon ng sulat mula sa COA patungkol sa pagtanggal na sa pondo ng pamahalaang panlalawigan na inilaan para sa mga sectoral representatives.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano, kinausap na niya si Senate President Chiz Escudero at Sen. Imee Marcos patungkol dito dahil hindi gagana ang sectoral representatives kung walang enabling law para sa pag-appoint sa kanila at hindi sila makakakuha ng pondo para sa kanilang proyekto dahil walang implementing rules and regulations o IRR mula sa DILG.
Ayon kay Gov. Albano, malaki ang naitutulong ng sectoral representatives dahil sila ang nakakapunta sa pinakamababang lebel sa komunidad para magbigay ng tulong o proyekto sa pamayanan.
Aniya mula nang ipadala ang sulat mula sa COA ay tuluyan nang tinanggal ang mga sectoral representatives kaya natengga at tuluyan nang nawala ang mga kasalukuyan at pinaplano nilang proyekto sa kani-kanilang sektor.
Tiniyak naman aniya ni Sen. Escudero na isa ito sa maipaprayoridad sa isasagawang Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting.