CAUAYAN CITY – Inihayag ng pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD na pwedeng lakarin ng mga estudyante at manggagawang mula sa Forest Region ang Alicaocao Bridge habang kasalukuyang inaayos ang approach nito.
Matatandaang epektibo sa ikalabing siyam ng Agosto ang temporary closure ng tulay sa lahat ng klase ng sasakyan dahil sa isasagawang repair and maintenance sa approach ng tulay na magtatagal hanggang ikalawa ng Setyembre, 2024.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya ipagbabawal muna ang pagdaan ng anumang klase ng sasakyan sa tulay bagamat maari namang lakarin ng mga taong nais dumaan tulad ng mga estudyante at manggagawa.
Maglalagay na lamang umano ang pamahalaan ng detour na pwedeng daanan ng publiko at babantayan na lamang ito ng mga kasapi ng POSD at mga tanod upang matiyak na ligtas ang mga dadaan.
Ang mga sasakyan ay kailangan munang umikot sa bahagi ng Naguilian Isabela habang sarado pa ang tulay.