CAUAYAN CITY- Kapana-panabik umano ang paghaharap nina United States Vice President Kamala Harris at dating US President Donald Trump sa Presidential debate na gaganapin sa ika-10 ng Setyembre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual na kaabang- abangĀ ang mga isyu na pagde-debatehan ng dalawa lalo na at isa ito sa gagawing batayan ng mga botante kung sino sa dalawang kandidato ang kanilang susuportahan.
Kabilang sa mga inaasaan na mapag-uusapang isyu ay ang kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng Estados Unidos, Immigration at Health Care.
Pareho naman aniyang malakas ang dalawang kandidato pagdating sa debate kung saan naging maganda noon ang performance ni Trump sa naging debate nila ni Pangulong Joe Biden.
Hindi rin aniya maikakaila na magiging maganda rin ang performance ni VP Harris dahil pinaghahandaan na nito ang kanilang paghaharap ni Trump.
Sa ngayon ay lamang na si Harris sa resulta ng survey sa tatlong battle state sa Estados Unidos ngunit maaari pa itong mag-iba pagkatapos ng paghaharap nila ni Trump sa Debate.