Umakyat na sa dalawamput isa ang bilang ng mga nasawi sa landslide sa isang malawak na garbage dump sa Kampala, Uganda habang patuloy na naghuhukay ang mga rescuer para sa mga nakaligtas.
Gumuho ang isang bunton ng basura sa site dahil sa malakas na ulan nitong mga nakaraang linggo.
Nasira at nabaon ang ilang mga bahay sa gilid ng site habang kasalukuyang natutulog ang mga residente.
Ipinag-utos na ni Pangulong Yoweri Museveni sa punong ministro na i-coordinate ang paglikas sa lahat ng nakatira malapit sa garbage dump.
Sinimulan na rin ng gobyerno ang mga pagsisiyasat sa sanhi ng pagguho ng lupa at gagawa ng aksyon laban sa sinumang opisyal na napatunayang nagpabaya.
Ayon sa tagapagsalita ng pulisya na si Patrick Onyang, hindi bababa sa labing apat na katao na ang nailigtas ng mga otoridad ngunit marami pa ang maaaring na-trap na hindi naman niya tiyak ang eksaktong bilang.
Inihayag naman ng Red Cross na naglagay na sila ng mga tolda malapit sa site para sa mga nawalan ng tirahan.