--Ads--

Maraming hindi na nakapasok at tumuloy sa panonood sa loob ng Stade de France para sa closing ceremony dahil sa mahal na presyo ng Ticket.

Ayon kay Ginang Joy Neire Mugas, isang OFW sa France, maaga silang nagtungo sa venue at naghanap ng ticket para sana manood sa loob ng Stade de France ngunit napakamahal ng bayad na umaabot sa 250-euro ang pinakamura o aabot sa halos P16,000.

Dahil sa mahal ang ticket ay mas pinili na lamang nilang mamasyal sa Eiffel Tower bago umuwi.

Aniya napakasaya nila dahil may maiuuwing mga medalya ang Pilipinas sa Paris Olympics.

--Ads--

Bagamat apektado sila sa pagsasara at tigil operasyon ng mga metro stations na kanilang gamit sa pagpasok sa trabaho ay masaya pa rin sila dahil nasilayan nila ang laban ng mga manlalaro ng Pilipinas.

Ang two-time gold medalist naman na si Carlos Yulo at ang bronze medal winner na si Aira Villegas ang nagsilbing flag bearers ng bansa para sa 2024 Paris Olympics closing ceremony na ginanap kaninang madaling araw.

Gumawa ng kasaysayan si Gymnastics ace Yulo bilang unang lalaking Filipino at unang gymnast na nanalo ng gintong medalya sa Olympics matapos nitong pamunuaan ang floor exercise at vault finals sa loob ng dalawang araw.

Ang Filipina boxer naman si Villegas, ay gumawa ng splash sa kanyang Olympic debut sa pamamagitan ng paghakot ng bronze medal sa women’s 50kg event.

Si Villegas ang ikatlong boksingero sa edisyong ito na nagsilbing flag bearer matapos sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam na nagsilbing flag bearers opening ceremony.

SAMANTALA Nagtanghal naman sa closing ceremony ng Paris Olympics sina Billie Eilish, Snoop Dogg at bandang Red Hot Chili Peppers.

Ang all-star lineup ay aakyat sa entablado bilang bahagi ng handover sa 2028 Los Angeles Games.

Ang mga music artist ay mula sa California, kabilang si H.E.R. na kumanta ng U.S. national anthem nang live sa Stade de France.

Ang Los Angeles ang magho-host ng Olympics sa ikatlong pagkakataon, kung saan ang mga nakaraang Olympics ay ginanap doon noong 1984 at 1932.

Ito naman ang unang pagkakataon na magho-host ang LA ng Paralympics.