CAUAYAN CITY – Nanawagan ang IBON Foundation na bawasan ang paglalaan ng pondo sa imprastraktura ng bansa sa halip ay pondohan na lamang ng malaki ang sektor ng agrikultura.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi niya na mas mainam kung mas paglalaanan ng pondo ng pamahalaan ang Agrikutura kung saan nakikinabang ang mga mahihirap.
Aniya, ang disenyo ng National Budget ay mas lalo lang nagpapahirap sa mga mahihirap at mas nagpapayaman naman sa mga mayayaman.
Malaki kasi aniya ang inilalaan na pondo sa imprastarktura ngunit hindi naman napapakinabangan ng mga ordinaryong Pilipino.
Sa ngayon na nagsisitaasan ang presyo ng mga bilihin at pagtindi ng kahirapan at kagutuman ay kinakailangang palakasin ang suporta sa agrikultura para mapalakas ang lokal na industriya.
Makatutulong aniya ito na makapaghatid ng tulong sa mga ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng pagpapababa ng halaga ng pagkain.
Maliban dito ay kinakailangan ding paglaanan ng malaking pondo ang iba pang sektor na may direktang pakinabang sa taumbayan gaya ng edukasyon at kalusugan.