Pinalikas na ng pamahalan ng Athens, Greece ang mga residente dahil sa mabilis na pagkalat ng wildfire.
Idineploy na ang 865 na bumbero at water bombing aerial units para tumulong sa pag-apula sa wildfires na nagsimula sa bayan ng Varnavas.
Ayon sa climate crisis and civil protection minister, Vassilis Kikilias, pahirapan ang pag-apula sa nasabing wildfire dahil sa malakas na hangin, makapal na kagubatan at mahirap na terrain.
Hindi rin nakikitaan ng pag-subside ang sunog dahil sa init ng panahon.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit tatlumpong kilometro ang lawak ng nasunog pangunahin na ang ilang mga kabahayan at ari-arian.
Nagbabala rin ang mga otoridad na posibleng umabot sa Pentelli ang sunog dahil sa malakas na hangin. Posible ring maapektuhan ang premises ng National Observatory ng Athens na itinatag noong 1842.
Ayon sa mga eksperto epekto na ito ng global warming bagamat laging nararanasan sa nasabing bansa ang hot and dry weather sa ganitong season.
Samantala humingi na ng tulong ang mga otoridad ng Greece sa ibang mga bansa para labanan ang apoy.
Nagpadala na ang France ng Super Puma utility helicopter habang ang Czech Republic ay nagpadala ng 75 na bumbero at 25 na sasakyan.
Inaasahan na darating din ang tulong mula sa mga bansang Spain, Italy, Turkey, Romania and Canada.