CAUAYAN CITY – Pabor ang isang Political Analyst sa isinusulong ng ilang mga mambabatas na gawing anim na taon mula sa tatlong taon ang termino sa panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na hindi sapat ang termino ng mga Barangay Officials na tatlong taon dahil hindi ito nakakatulong para sa development planning at executions ng mga opisyal.
Ang tanging problema na lamang ngayon ay ang magiging sistema ng eleksyon lalo na at synchronized ang eleksyon sa bansa na isinasagawa kada tatlong taon.
Kung sakali man aniya na maaprubahan ang nasabing panukala ay mas mainam kung isabay na lamang ang Barangay at SK Elections sa Presidential Election para magkaroon ng alignment pagdating sa Development Plan ng National, Barangay at SK officials.
Gayunpaman, hindi din dapat basta balewalain ang right to suffrage sa pamamagitan ng pag-extend sa termino ng mga opisyal lalo na kung hindi naman nila nagagampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.
Isa naman ito sa mga dapat pang pag-aralang maigi ng mga mambabatas para masiguro na maging maayos ang implementasyon sa nasabing panukala.