CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Department og Agriculture o DA Region 2 na sapat ang suplay ng kamatis sa rehiyon pangunahin sa sa Nueva Vizcaya Agricultural Inc. O NVAT.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Maria Rosario Paccarangan, Chief ng DA Agribusiness and Marketing Assistance Division, sinabi niya na walang oversupply sa kamatis sa NVAT kasunod ng pag-viral ng kuhang video sa isang truck ng kamatis na ipinapamigay sa mga tao sa Bayombong Nueva Vizcaya.
Aniya galing ang mga kamatis na ito sa Ambaguio at hindi na naibenta pa ng may-ari sa loob ng tatlong araw kaya iuuwi na lamang sana niya ito upang gawing pataba o fertilizer.
Nilinaw naman niyang hindi bago ang mga kamatis at may mga tusok na kaya hindi naibenta sa merkado dahil sa paghihintay ng may-ari sa magandang presyo.
Hindi na aniya maaring kainin ang iba kaya pinili na lamang ng mga kumuha ang mga pwede pa.
Sa mga sumunod na araw ay nakapagbenta naman muli ang nasabing magsasaka kaya nasulit pa rin ang kita.
Sa kabila nito, solated case lamang aniya ang pagtatapon ng isang truck load ng kamatis.
Sa ngayon kasi ay nasa P20 hanggang P30 ang presyo ng magandang kalidad ng kamatis sa NVAT.
Malaki na ang ibinaba sa dating presyo noong buwan ng Hunyo hanggang Hulyo na umabot sa P60 hanggang 120 pesos ang per kilo kung saan marami anya sa mga magsasaka ang nakapagbenta.
Humina na umano ang demand ng kamatis sa NVAT dahil ang mga buyers sa Batangas at Laguna ay nagkaroon na rin ng anihan.