CAUAYAN CITY – Nakapagtala ng mahigit dalawandaang kaso ng Leptospirosis ang Lambak ng Cagayan ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mar Wynn Bello, Assistant Regional Director ng Department of Health Region 2, sinabi niya na ngayong 2024 ay umabot sa 234 ang naitalang kaso ng Leptospirosis sa Rehiyon.
Mas mababa ito ng 24% kung ikukumpara sa kaparehong taon noong 2023 na sumampa sa 306 na kaso.
Pinakamaraming naitala sa lalawigan ng Cagayan na nakapagtala ng 93, sinundan ng Isabela na 70 at Nueva Vizcaya na 58.
Aniya, bumaba ang kaso ng leptospirosis dahil hindi gaanong binaha ang Rehiyon at patuloy ang ginagawa nilang healtyh education campaign para magkaroon ng sapat ng kaalaman ang taumbayan sa kung paano maiiwasan ang naturang sakit.
Kadalasan aniyang nakukuha ang naturang sakit dahil sa pagbaha dahil dito umaagos ang mga ihi ng daga at iba pang mga dumi na pinagmumulan ng Leptospira.
Karamihan sa mga natatamaan ng sakit ay ang mga taong lumulusong sa baha partikular ang mga may sugat sa paa.
Aniya, dahil sa marami ang naapektuhan ng sakit sa Metro Manila dahil sa malawakang pagbaha bunsod ng bagyong Carina ay nagpadala sila roon ng 10,000 capsules ng doxycycline para makatulong sa mga tinamaan ng sakit na leptospirosis.
Tiniyak naman niya na sapat pa rin ang suplay nila ng gamot at naka-preposisyon na ito sa mga mangangailangang probinsya.