CAUAYAN CITY – Nananatili pa ring isolated ang kaso ng African Swine Fever sa Lambak ng Cagayan sa kabila ng pagkakatala ng panibagog kaso ng ASF sa tatlong lalawigan sa Rehiyon.
Ito ay kinabibilangan ng Lalawigan ng Nueva Vizcaya partikular sa bayan ng Sta. Fe, Dupax Del Norte, Dupax Del Sur at Bambang; bayan ng Anggadanan at San Guillermo sa lalawigan ng Isabela habang sa lalawigan naman ng Cagayan ay apektado ang bayan ng Enrile at Iguig.
Sumampa naman na sa 124 ang kabuuang bilang na-cull na baboy na tinamaan ng ASF.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Galang Jr., ASF Focal Person ng Department of Agriculture Region 2, sinabi niya na bagama’t muling nakapagtala ang Rehiyon ng panibagong kaso ng ASF ay ilang munisipalidad pa lang naman ang apektado at hindi pa ganoon kataas ang kaso ng naturang sakit.
Gayunpaman, tiniyak naman niya na naka-alerto ang Regional African Swine Fever Task Force para maagapan at makontrol ang pagkalat ng virus.
Aniya, mas mabilis ang pagkalat ng ASF Virus sa pamamagitan ng contact sa likido mula sa infected na baboy gaya ng dugo nito kapag ito ay kinatay.
Kaya naman pinaalalahanan niya ang mga hograisers na huwag katayin ang mga baboy apektado ng virus para iwasang kumalat ang naturang sakit.
Malaking problema rin aniya ang ilang biyahero na sinasamantala ang pagbili ng baboy mga lugar na apektado ng sakit.
Inaasahan naman na sa pagdating ng 600,000 doses na binili ng DA Central Office ay makakapagsimula na sa pagbabakuna ang Lambak ng Cagayan.