--Ads--

CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng ilang mga residente sa  Brgy. San Francisco, Cauayan City ang mabahong amoy na nagmumula sa backyard farm ng isang residente.

Mag dadalawang taon na umano ang nasabing backyard farm na nag-aalaga ng mga pato at manok.

Ayon naman sa mga nagrereklamo, apektado na umano ang kalusugan ng mga bata dahil sa nasabing amoy sa lugar na nalalanghap ng mga ito.

Samantala, iginiit naman ng may-ari ng backyard farm na para sa kanilang personal consumption lamang ang mga inaalagaan nilang mga pato at manok at hindi nila ito ginagawang negosyo.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Ida De Guzman, backyard farm owner, sinabi niya na hindi naman aabot sa 50 na pato ang kanilang inaalagaan kaya hindi naman ito mahirap linisan.

Sinisiguro naman umano nila na laging malinis ang kulungan ng kanilang mga alaga.

Aniya, may pagkakataon lang talaga na tuwing umuulan ay nangangamoy sa lugar ngunit dahil umano ito sa kanal at hindi dahil sa kanilang alagang pato.

Ayon kay Ginang De Guzman, nagtungo na ang City Sanitary Office sa kanilang lugar at pinahintulutan naman aniya sila na ipagpatuloy ang pag-aalaga basta siguraduhing malinis ito.