CAUAYAN CITY- Ipinanukala na sa Sanguniang Panlalawigan ng Isabela ang pagpapasa ng isang ordinansa upang magkaroon ng mahigpit na monitoring sa bentahan ng agricultural inputs sa Lalawigan.
Ito ay matapos na matuklasan sa ginawang committee hearing ang nagaganap na iligal na bentahan ng mga agriculture inputs.
Sa ilalim ng ipapasang ordinansa ay mapapatawan ng mabigat na parusa ang sino mang mahuhuling nagbebenta ng mga agriculture inputs ng Department of Agriculture sa mga magsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Member Edward Isidro sinabi niya na batay sa ginawang imbestigasyon ng ibat ibang ahensya kabilang ang PNP ay nakumpirma na may ilang nasasangkot sa pagbebenta ng agricultural inputs na mula sa Kagawaran ng Pagsasaka.
Hiniling na ng DA sa Local Government na maging bigilante sa pagbabantay sa ganitong gawain.
Dahil sa kawalan ng aktibong task force para sa pagsugpo sa iligal na bentahan ng farm inputs ay iminungkahi ng Sanguninang Panlalawigan ang pagbuo ng hotline kung saan maaaring idulong o isumbong ng taumbayan ang ganitong gawain.