Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pagkakarekober ng isang submersible drone sa bahagi ng Calayan Cagayan.
Sa ngayon ay naipasakamay na ng pulisya sa Philippine Coast Guard ang pinaniniwalaang black submersible drone na narekober sa dagat ng isang mangingisda sa Brgy. Macsidel, Calayan, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jong Llopis ng Calayan Cagayan, sinabi niya na nagpahayag na ng interes ang US Forces na kasalukuyang nasa Calayan na magsagawa ng imbestigasyon sa nasabing drone.
Lagi na rin kasi ang tropa ng amerikano sa kanilang bayan kaya maaring may kinalaman ang US Forces sa nadiskubreng drone ngunit sa ngayon ay hindi pa niya matiyak kung pag-aari nga ito ng US Forces.
Muli namang pinaalalahanan ni Mayor Lllopis ang mga mangingisda o mga residente na malapit sa dagat na huwag mag-atubiling dumulog sa himpilan ng pulisya o sa mga kinauukulan o tumawag sa kanilang hotline number upang ipagbigay alam kung mayroong kahalintulad na insidente.