CAUAYAN CITY- Nakitang palutang lutang ang wala ng buhay na katawan ng isang magsasaka sa ilog ng San Pablo, Cauayan City.
Ang nasawi ay si Ronald Manuel, alyas Ron, 44-anyos, may asawa, magsasaka, at residente ng nasabing barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya kaugnay sa insidente ng pagkakalunod ng isang lalaki.
Agad na nagtungo ang mga kapulisan sa nasabing lugar at nakita ang katawan ng lalaki na naiuwi na sa kanilang bahay.
Batay sa pagsisiyasat ng mga Pulisya at SOCO, ang biktima ay nakipag-inuman sa kanuyang mga kaibigan sa tabi ng ilog.
Matapos makainom ng ilang bote ng alak ay nagsi-uwian na umano ang mga kaibigan ng biktima habang ang biktima ay nagpasya na matulog muna sa lugar kung saan sila nag-inuman.
Pumunta umano sa lugar ang anak ng biktima ngunit hindi nakita ang ama nito dahilan upang humingi siya ng tulong sa iba nilang kaanak sa paghahanap.
Makalipas ang anim na oras ay natagpuang palutang lutang katabi ng water lilly ang bangkay ng biktima.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na habang naliligo ang biktima sa ilog ay tinangay ito ng malakas na agos ng tubig na naging dahilan ng pagkakalunod. Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na walang foul play sa nangyaring insidente.