CAUAYAN CITY- Maagap ang ginawang rescue operations ng mga otoridad sa tatlong katao na lulan ng isang truck na bumangga sa punong kahoy sa bahagi ng Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena ang hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niya na pasado alas-onse ng gabi ng ipaabot sa kanila ng isang concerned citizen ang naganap na aksidenteng kinasangkuyan ng isang truck na nawalan ng preno.
Aniya, agad silang rumesponde subalit naging pahirapan ang pagrescue katuwang BFP at Rescue Bagabag sa driver at tatlong pasahero ng truck.
Napuruhan ang driver na naipit ang tiyan dahil sa lakas ng impact ng pagbangga na nagresulta para matumba pa ang punongkahoy.
Inabot ng ilang oras bago tuluyang naalis ang driver pasado alas-tres na ng madaling araw, agad dinala sa pagamutan ang mga sakay ng sasakyan kung saan patuloy na inoobserbahan ang naipit na driver habang minor injuries lamang ang tinamo ng tatlong iba pa.
Ayon kay PMaj. Abrogena bahagyang pakurbada ang daan kung saan nangyari ang aksidente at may kalumaan na rin naman ang sasakyan na siyang posibleng naging sanhi para mawalan ito ng preno.
Mapalad na lamang aniya na walang ibang sasakyan ang nadamay gayun din na hindi ito nagdulot ng pagbigat ng trapiko sa lugar.
Muli ay nagpaalala sila sa mga motorista na ugaliing tignan kung nasa kondisyon ang sasakyan bago magbiyahe.