CAUAYAN CITY – Arestado ang magkamag-anak sa Brgy. San Fermin, Cauayan City sa kasong pagbebenta ng hindi lisensyadong baril.
Nagsagawa ng Entrapment/buybust operation ang mga otoridad sa pangunguna ng CIDG Cagayan Provincial Field Unit kasama ang CIDG Isabela, at Cauayan City Police Station na nagresulta sa pagkakadakip ni Erenio Pascua, 43 anyos, at si Villame Pascua, 33-anyos, at kapwa residente ng Barangay Centro 2, San Guillermo, Isabela.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nadakip ang dalawang indibidwal matapos maaktuhang nagbebenta ng hindi lisensyadong baril sa pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang shutgon na walang serial number, dalawang cellphone, isang genuine 1000 peso bill at isang 1000 peso bill na boodle money, isang bag, isang motor, at isang SUV na ginamit sa transaksyon.
Sa ngayon ang mga suspek maging ang mga nakumpiskang ebidensya ay agad na dinala sa kustodiya ng Cagayan Provincial Field Unit para sa dokyumentasyon at kaukulang disposisyon.