CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang mga kompanyang nagkumpirma na lalahok sa isasagawang job fair ng Public Employment Services Office o PESO Isabela sa ikatatlumpo ng Agosto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PESO Isabela Department Head Cecilia Claire Reyes, nasa tatlumput pitong kompanya na ang nagkumpirmang lalahok at kasama rin ang limang government agencies para sa kanilang frontline services.
Ito ay kinabibilangan ng SSS, PAG-IBIG, Philhealth, PSA at PNP para sa police clearances.
Aniya ang mga first time jobseekers ay maaring malibre sa kanilang mga dokumento mula sa nasabing govt. agencies kung mayroon silang certification mula sa barangay na nagpapatunay na sila ay first time jobseekers.
Ito ay base sa Republic Act 11261 o ang First Time Jobseekers Act.
Aniya maging ang pagkuha ng transcript of records o TOR ng mga first time jobseekers sa mga pinanggalingan nilang university ay kabilang din sa malilibre kung ang mga aplikante ay first time jobseekers.
Aniya ang Job Fair ay gaganapin bukas, ikatatlumpo ng Agosto sa ground floor ng Queen Isabela Park sa Provincial capitol mula alas otso ng umaga hanggang alas tres ng hapon.
Hinikayat niya ang mga jobseekers na magdala ng maraming kopy ng resume upang maibigay sa mga kompanyang naghahanap ng empleyado.
Kabilang sa mga posisyong maaaring aplayan ay ang customer service representative, product promoter, bus driver at conductors, marketing associates, service crew, cashier, salesman staff, credit and collection officer, sales supervisor, out salesman, management trainee, warehouse staff at marami pang iba.