CAUAYAN CITY – Patuloy ang paghikayat ng Philippine Red Cross Isabela Chapter sa mga blood donors na magdonate ng dugo.
Ito ay sa kabila na sapat ang tustos ng dugo sa blood banks ng PRC- Isabela.
Sa ngayon ay umaabot sa sampu hanggang labing limang mga pasyente ang lumalapit sa kanilang tanggapan para humingi ng dugo na kadalasang mga dialysis patient.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PRC Isabela Representative Joyce Quilang sinabi niya na maliban sa mga dialysis patient ay nakatanggap na rin sila ng request para sa platelets concentrate para sa mga pasyenteng tinamaan ng dengue.
Aniya dahil full blood o pack RBC ang mayroon sila sa ngayon ay nakikipag-ugnayan sila sa ibang blood service facility na may kakayahang mag-proseso ng platelets para matugunan ang mga pasyenteng nangangailangan nito.
Dahil sensitibo ang platelets at nagtatagal lamang ng ilang araw ay iminimungkahi nila sa mga pasyente na may blood donor na may kaparehong blood type na magpa-extract na lamang ng dugo sa ibang blood service facility para agad na maproseso ang dugo at makuha ang platelets.
Samantala abala na ngayon ang PRC-Isabela na magsagawa ng bloodletting activities sa iba’t ibang bayan sa Isabela.
Sa katunayan ay katatapos lamang ng bloodletting activity sa San Mateo Isabela na susundan ng Bayan ng Ramon.