CAUAYAN CITY- Patay ang isang magsasaka matapos itong tuklawin ng ahas sa Barangay Lalauanan, Tumauini Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr. ,hepe ng Tumauini Police Station sinabi niya na kahapon ay nagtungo sa kanilang himpilan si Carmelita Umingan Alvares kasama ang Barangya kapitan ng Lalauanan, Tumauini Isabela para iulat ang pagkawala ni Primo Gabriel Lungayan.
Aniya batay kay Alvares may usapan nila ni Lungayan na sabay na kukuha ng bamboo shoots subalit nauna na umano ito.
Nagawa pa naman nilang tawagan ang biktima at sinabi pa nito na naroon lamang siya sa malapit sa hanging bridge kung saan madalas silang manguha ng rabong.
Pagdating umano doon ni Alvares ay wala siyang nadatnan sa lugar, sinubukan naman umano nila itong hanapin subalit hindi nila nakita, hanggang sa hindi na umano ito nakauwi pa sa kanilang bahay.
Kinabukasan ay nagpasya na itong humingi ng tulong sa mga otoridad.
Agad naman silang rumesponde at pinuntahan ang area kung saan sinasabing huli itong nagpunta.
Doon ay nakita nila ang puno ng mga kawayan kung saan may naiwang sako na puno ng bamboo shoot o rabong.
Nakita din sa lugar ang mga pinagbalatan kaya sinundan nila ito at doon tumambad ang katawan ng nawawalang biktima sa baba ng puno ng kawayan na wala ng buhay.
Agad nilang tinawag ang SOCO para iproseso ang crime scene kung saan natuklasan ang apat na sugat sa kamay ni Lungayan na hinihinalang tinuklaw ng ahas.
Isinailalim din sa postmortem examination ang labi ng biktma at hinihintay na lamang ang resulta.
Wala namang nakikitang foul play ang mga otoridad sa pagkasawi ng biktima kaya agad na ipinasakamay na ito sa kaniyang pamilya at kasalukuyang nakaburol sa kanilang tahanan.