CAUAYAN CITY – Magtatapos na bukas, ikatlong araw ng Setyembre ang mga benepisyaryo ng Partnership for Education Advancement and Community Empowerment o PEACE program ng 5th Infantry Division, Philipine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Ed Rarugal ang Hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th ID, sinabi niya na naging matagumpay ang unang batch ng naturang programa.
Batay sa mga outputs ng mga trainee sa kanilang mga practical exercises ay makikita na talagang nalinang ang mga skills at kakayahan ng mga ito.
Sa ngayon ay nagre-recruit na ang kanilang hanay para sa second batch ng PEACE Program sa may bahagi naman ng Ilocos Region.
Nagpapasalamat naman siya sa mga katuwang nilang ahensya at mga organisasyon upang maisakatuparan ang kanilang layunin na maiangat ang kabuhayan ng mga nasa marginalized at vulnerable sector.
SAMANTALA Hinikayat naman ng katuwang na organisasyon ng 5th Infantry Division ang mga kabataan na naghahanap ng trabaho na mag-register sa PEACE Program.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose Chan, Chief Executive Officer ng Career Builders Skills Training and Assessment Center, sinabi niya na libre at walang gagastusin ang mga benepisyaryo habang sila ay sumasailalim sa 15-day training.
Kabilang sa kanilang mga tinututukan ay ang Values Enhancement at Spiritual Program maging ang technical skills at life skills na kinabibilangan ng Construction Painting and Tile Setting.
Priyoridad naman nila ang mga nasa edad 18-30 kung saan habang sila ay nagsasanay ay pinoproseso naman na ang kanilang mga employment requirements para agad silang makasabak sa trabaho pagkatapos ng kanilang training.
Bibigyan naman sila ng financial assistance habang inaantay nila ang kanilang unang sahod.
Ayon kay Chan, layunin nilang baguhin ang mindset ng isang indibidwal sa pamamagitan ng paggawa ng paggawa ng hakbang tungo sa pag-unlad.