CAUAYAN CITY – Hindi na itinuloy ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na hindi naabot ang inaasahan nilang water elevation na 186 meters above sea level kung kaya’t hindi muna sila nagpakawala ng tubig sa kanilang spillway gate.
Maliban rito ay bumaba na rin ang pumapasok na tubig sa Dam mula sa 600 cubic meters per second ay bumaba nalang ito sa 200 cubic meters per second kung saan mas mataas din ang outflow ngayon na pinapadaan naman sa kanilang Hydroelectric Power Plant.
Una nang ipinaliwanag ng NIA MARIIS na ang pagpapakawala sana ng tubig ng Magat Dam ay para magkaroon ng sapat na mapag-iimbakan ng tubig sakaling magtutuloy-tuloy ang mga pag-ulan.
Samantala, ipinagpaliban din ng NIA MARIIS ang nakatakda sana nilang paglulunsad sa kanilang programang pagbebenta ng 29 pesos per kilo na bigas sa mga PWD, senior citizens at mga 4 Ps beneficiaries.
Ayon kay Engr. Dimoloy, isasagawa nalang ito sa September 13.
Kaugnay nito ay tiniyak naman niya na bibilhin pa rin ng NIA MARIIS ang mga palay ng mga magsasakang kanilang napakontrata para sa kanilang programa kahit apektado pa ito ng nasabing bagyo.