--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng Alkalde ng Lungsod ng Santiago ang hindi nila pag-isyu ng business permit sa isang Driving School at medical clinic sa Lungsod.

Ang naturang mga establisimiento ay kasalukuyan ding inimbestigahan ng kamara dahil sa iisa ang nagmamay-ari sa mga ito na mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Transportation o DOTr.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Sheena Tan-Dy ng Santiago City, sinabi niya na nabigyan naman nila noon ng Business Permit ang naturang Driving School ngunit ito ay para sa kanilang branch sa Brgy. Sinsayon.

Kamakailan aniya ay lumipat ito ng lokasyon sa Brgy. Ambalatungan kung saan nakatayo ang opisina ng Land Transportation Office na kinukwestiyon ng sa kamara.

--Ads--

Hindi aniya nila inisyuhan ng permit ang bago nitong branch dahil kinakailangan nitong sumunod sa re-zoning process sapagkat ang lupang kinatatayuan nito ay agricultural land.

Batay kasi aniya sa bagong Memorandum Circular ng Department of Agriculture ay kinakailangan munang kumuha ng clearance ang Establisimiento sa Regional Executive Director ng DA para ma-convert ang lupain sa Commercial Land.

Binigyan naman umano nila ng sapat na panahon ang naturang Driving School ngunit hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakapag-comply sa mga requirements.

Bago pa man masilip ng kamara ang ilan sa mga paglabag nito ay nakapag-isyu na ang pamahalaang lokal ng notice of violation dahil sa kawalan ng business permit.  

Inaantay na lamang aniya nila ang sagot ng may-ari ng Driving School at kung hindi man justifiable ang paliwanag nito ay ipapasara nila ang naturang establisimiento.