CAUAYAN CITY – Umabot sa pitong kalsada at isang tulay sa Region 2 ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Enteng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DPWH Region 2 Spokesperson Maricel Acejo, sinabi niya na sa Quirino ay apektado ang tatlong kalsada sa bahagi ng Maddela, Aglipay at Nagtipunan kung saan nagkaroon ng landslide at naapektuhan ang mga slope protection na ginawa.
Upang maiwasan ang aksidente ay naglagay na sila ng mga traffic warning devices sa mga apektadong kalsada.
Ilang tulay din ang naapektuhan kabilang na ang Cabagan-Sta Maria overflow bridge dahil sa pagbaha at sa ngayon ay binuksan ang bagong tulay bagamat mga light vehicles lamang ang pinapayagang makadaan habang ang mga mabibigat na sasakyan ay inabisuhang dumaan muna sa daang maharlika.
Patuloy ang pagkalap nila ng datos para sa iba pang interbensyon at pagpaplano para sa pondo sa pagsasaayos sa mga apektadong kalsada.
Sa ngayon ay wala pa naman silang eksaktong impormasyon sa halaga ng pinsala dahil kasalukuyan pa ang kanilang beripikasyon sa mga apektadong lugar.