CAUAYAN CITY- Maglulunsad ang Agricultural Training Institute Region 2 ng isang programa na naglalayong palakasin ang swine industry sa Lambak ng Cagayan.
Ito ay ang Integrated National Swine Production Initiative for Recovery and Expansion o INSPIRE Program na inaasahang magsisimula sa loob ng apat na buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Maurieann Turingan, Training Specialist II ng ATI Region 2, sinabi niya na ang naturang programa ay tugon sa banta ng African Swine Fever sa mga alagang baboy.
Sa ilalim ng programa ay magbibigay sila ng alagang baboy sa mga benepisyaryong magsasaka na pagmumulan ng mga biik para muling mapalago ang Swine Industry.
Mayroon aniya silang tinatawag na ‘Passing the gift’ Scheme kung saan magbibigay ng biik ang mga benepisyaryo sa ibang mga farmers kapag napadami na nila ang baboy na bigay ng ATI.
Malaking tulong din ito para matiyak na mananatiling sapat ang suplay ng karne ng baboy sa merkado.
Sa pamamagitan ng INSPIRE Program ay nabibigyan ng pagkakataon ang mga benepisyaryo na matuto sa mga bagong teknolohiya na isho-showcase sa Techno-demonstration na magiging benepisyal hindi lamang sa mga magsasaka kundi pati na rin sa mga alagang baboy.
Aabot naman sa sampung milyon ang inilaang pondo ng kanilang ahensiya para sa naturang programa kung saan ang anim na milyon ilalaan para sa pasilidad at mga equipment habang ang natitirang apat na miyon ay ibibili ng mga breeder stocks, feeds at mga gamot.
Malaking hamon naman para sa kanila ang banta ng ASF kaya naman maglalatag umano sila ng panuntunan na kailangang sundin ng mga benepisyaryo at ng mga stakeholders ng INSPIRE Program.