--Ads--

CAUAYAN CITY – Ligtas na natagpuan ang mangingisdang ilang araw ng nawawala sa Dinalungan, Aurora.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ens. Jessa Pauline Villegas ang tagapagsalita ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niya na kasalukuyang nasa maayos nang kalagayan ang mangingisdang ilang araw ng nawawala.

Kung matatandaan na noong September 2, 2024 ng mapaulat na nawawala ang isa sa tatlong mga mangingisdang lumayag sa bahagi ng Dinalungan Aurora.

Batay sa mga inisyal na impormasyon, August 30, 2024, nang lumayag ang tatlong mangingisda; September 2, nang makabalik sa pampang ang dalawa habang nawawala naman ang isa.

--Ads--

Nito lamang September 6, 2024, nang mamataan ang isang nakataob na bangka at palutang-lutang na isang mangingisda na agad iniulat sa MDRRM Dilasag.

Agad na rumesponde ang Coast Guard kasama ang MDRRMO sa lugar kung saan nakita ang mangingisda na agad dinala sa Casiguran District Hospital.

Batay sa MDRRM Dinalungan napadpad sa iba’t ibang lugar ang bangka ng mangingisda matapos na tangayin ng alon hanggang sa tuluyan nang tumaob ang bangka sa Dilasag.

Hindi na nagawang maisalba at maiahon sa karagatan ang bangka ng mangingisda dahil sa matataas na alon.

Aniya, bagamat pinapayagan na muli ang paglalayag ng mga mangingisda ay pinapayuhan na mag-ingat dahil sa bahagyang maalon na karagatan.

Samantala, pinaghahanap pa rin nila ang nawawalang bangka na may kargang labing limang crew at isang kapitan.