CAUAYAN CITY – Nasugatan ang nasa sampung katao matapos na mahulog ang isang pampasaherong jeep sa bangin sa bahagi ng Peñablanca, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Rosemaries Moreno ang Deputy Chief of Police ng Peñablanca Police Station, sinabi niya na lulan ng Jeep ang mga biktima na pawang mga magkakamag anak at papunta sana sa isang evacuation center sa Brgy. Mangga para manood ng basketball game.
Aniya, habang nasa paakyat na bahagi ng kalsada ang jeep ay may bumaba namang pasahero kaya hininto ng driver ang sasakyan ngunit hindi inasahang magloko ang preno ng jeep kaya ito umatras hanggang mahulog sa bangin na may sampung metro ang lalim.
Tinatayang nasa 20 pasahero ang sakay ng jeep kasama ang driver at 10 sa mga ito ang kanailangang isinugod sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) matapos magtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nabatid na nasa 65-anyos ang edad ng pinakamatanda habang walong taong gulang naman ang pinakabata sa mga biktimang nasugatan.
Sa ngayon ay patuloy na inoobserbahan ang kondisyon ng mga nasugatang biktima habang wala namang naiulat na nasawi matapos ang insidente.