CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang ginagawang high risk operation ng Echague Police Station para matukoy ang kinaroroonan ng dalawang suspek na bumaril sa isang lalake sa Barangay Annafunan, Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad – Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niya na nagkas sila ng follow up investigation laban sa dalawang suspect na bumaril sa biktimang Jessie Francisco.
Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Echague Police Station sa misis ng biktima inihayag nito na nasa kanilang kapitbahay siya nang biglang magpakita ang dalawang suspek sa kaniya at hinahanap ang kaniyang mister na si Jessie.
Pinatatawagan umano sa kaniya ang mister subalit hindi niya ito matawagan dahil wala siyang load kaya sapilitan siyang pinapasok sa loob ng bahay saka ito ini-lock ito at doon na naghintay ang mga suspek sa biktima.
Pagdating umano ng biktima na si Jessie ay napansin nito ang baril na bitbit ng isa sa mga suspek kaya sinubukan pa niya itong agawin subalit nabaril siya sa paa.
Dito na kumaripas ng takbo ang biktima para tumakas subalit hinabol siya at nabaril pa sa likod.
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas palayo sa lugar ang mga suspek.
Sa ginawa namang pagtatanong ng Barangay Kapitan sa mga kapitbahay ng biktima napag-alaman na walang nakakakilala sa mga suspek subalit napansin na nila na umaaligid ang mga ito sa naturang lugar bago pa ang pamamaril.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw ang motibo sa pamamaril subalit may sinusundan na silang lead sa insidente.
Hinihingi nila ngayon ang kooperasyon ng publiko para sa ikaluutas ng naturang krimen.