CAUAYAN CITY- Nasunog ang ilang bahagi ng gusali ng Saint Ferdinand College partikular sa pangatlong palapag ng nasabing pamantasan sa City of Ilagan, Isabela.
Nagsimula umano ang sunog sa Dean’s Office ng Accountancy Department na nasa ikatlong palabag ng gusali.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Franklin Tabingo ng Bureau of Fire Protection ng City of Ilagan, sinabi niya na 6:22 kaninang umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang empleyado ng naturang paaralan na mayroon umuusok mula sa isang silid ng paaralan.
Agad namang rumesponde ang BFP maging ang ilang mga fire volunteers kung saan idineklarang fire out ang sunog pagsapit ng 6:45 ng umaga.
Aniya, dalawang bahagi lamang ng 3rd floor building ang natupok ng apoy pangunahin na nag Dean’s Office kung saan hinihinalang nag-umpisa ang sunog at ang katabing faculty room nito.
Batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, nakita umano nila sa naturang opisina na may naiwang naka-plug na unidentified appliances na isa naman sa tinititiganan nilang sanhi ng sunog.
Hindi naman aniya nila tinatanggal ang iba pang anggulo kaya naman nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.