CAUAYAN CITY- Muling nanawagan sa pamahalaan ang grupo ng transportasyon sa bansa na pag-aralan ang pagtanggal pasamantala sa excise tax sa produktong petrolyo.
Ito ay kasabay ng malakihang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Chairman at Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na bagama’t ikinatutuwa nila ang rollback ngayong araw ay hindi naman umano sila umaasa na magtutuloy-tuloy ito.
Para mapanatili aniya ito ay kinakailangang tanggalin pansamantala ang excise tax habang nananatiling mataas ang presyo ng langis sa pandaigidigang merkado.
Paglilinaw niya na pansamantala lang naman umano ito at kung sakali mang bumaba na muli ang presyo ng langis ay maaari ng ibalik muli ang excise tax.
Naiintindihan naman umano niya na mahalaga ang excise tax sa bansa ngunit kailangan din umanong tingnan ng pamahalaan ang kalagayan ng taumbayan pangunahin na ang mga nasa hanay ng transportasyon at mga mananakay.