CAUAYAN CITY – Nasa mahigit dalawang libo pa lamang ang natatanggap na claims for indemnity ng Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC Region 2 mula sa mga magsasaka na naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Enteng sa Rehiyon Dos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Louterio Sanchez, OIC ng Claims Adjustment Division ng PCIC Region 2, sinabi niya na batay sa kanilang assessment ay hindi naman naging malala ang epekto ng bagyo sa mga pananim kaya naman kaunti lamang ang inaasahan nilang kukuha ng claim for indemnity.
Sa 152,877 lots na inaasahan nilang maaapektuhan ng bagyo ay nasa tatlong libo lamang umano ang apektado.
Karamihan naman umano sa mga nafa-file ng claim para sa mga palay ay karamihang malapit ng anihin habanag hindi naman gaanong naapektuhan ang mga palay na nasa flowering stage pa lamang.
Hindi naman aniya aabot sa sampung milyong piso ang kabuuang halaga na ibibigay sa mahigit dalawang libong claimants.
Mas tinututukan naman nila ngayon ang mga natatanggap nilang ulat na mga mais na naapektuhan ng tagtuyot.
Umabot na kasi sa 30,000 claims ang natanggap ng kanilang tanggapan para sa mga natuyot na mga mais at hanggang ngayon ay kasalukuyan pa rin ang proseso ng settlement.
20,818 naman mula rito ang kanilang nabayaran kung saan umaabot sa 131.26 million pesos ang kabuuang halaga nito.