CAUAYAN CITY – Naguguluhan umano ang mga rice millers sa Rehiyon Dos sa pagtatakda ng presyo ng palay dahil sa kagustuhan ng pamahalaan na pababain ang presyo ng bigas sa merkado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Subia, Presidente ng Rice Miller’s Association Region 2, sinabi niya na hindi nila pwedeng taasan ang bili sa palay dahil ipinipilit ng gobyerno na babaan ang presyo para mas maging abot kaya ang presyo ng bigas.
Kung dati ay naglalaro sa 27-28 pesos ang presyo ng palay kada kilo, ngayon ay nasa 23 pesos na lamang ito dahil na rin umano sa kagustuhan ng pamahalaan.
Dahil dito ay hindi aniya kumikita ang mga rice mill ngayon dahil bukod sa matumal ang bentahan ay bagsak pa ang presyo.
Wala naman kasi aniyang fix price ang presyo ng palay kaya kaniya-kaniyang diskarte na lamang umano ang mga Rice Millers para kumita.
Maliban sa kanila ay mas lugi umano ang mga magsasaka dahil halos wala na umano kinikita dahil na rin sa mahal ng farm inputs.
Tiniyak naman niya na ginagawa umano nila ang kanilang makakaya para tulungan ang mga masasaka na hindi malugi.