CAUAYAN CITY – Nagpalabas ng tubig ang Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS kaninang alas-3 ng hapon dahil sa patuloy na pagtaas ng water level ng Magat Dam bunsod ng mga pag-ulan na dala ng Bagyong Bebinca at Habagat.
Tinatayang aabot sa 150 cubic meters per second ang pinakawalang tubig ng Dam kung saan binuksan ang isang gate na may 1 meter opening.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division sinabi niya na sa kasalukuyan ay nasa 1,200 cubic meters per second ang inflow ng tubig sa dam dahil sa malalakas na pag-ulan sa Magat water shed.
Dahil dito nagpasya silang mag pre-release ng tubig kung saan inaasahang bahagyang makakaapekto sa antas ng tubig sa Magat River kaya naman pinag-iingat ang publikong nakatira malapit sa ilog.
Pinayagan na rin nila ang maximum na volume ng tubig na kailangan sa power generation upang maiwasang maabot ang spilling level ng dam at hindi magdulot ng pagkasira nito.
Inaasahang maapektuhan naman sa gagawing pagpapakawala ng tubig ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Reina Mercedes at Luna.