CAUAYAN CITY – Matapos ang ilang oras na paghahalughog ay walang nakitang anumang bomba ang bomb squad ng Cauayan City Police Station tapos na makatanggap ng bomb threat ang Supreme Student Council ng Our Lady of the Pillar College-Cauayan kaninang umaga.
Alas otso ng umaga nang basagin ng isang bomb threat ang katahimikan sa kolehiyo kung saan agad na kinansela ang pasok ng mga estudyante sa kolehiyo at Junior High School Department maging mga empleyado para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Una rito ay nakatanggap ang Supreme Student Council ng OLPCC ng mensahe mula sa hindi na pinangalanang indibidwal kaugnay sa umanoy bomba na sasabog sa loob ng Kolehiyo.
Agad na humingi ng tulong sa PNP SWAT at Bomb Squad Team ng Cauayan City ang kolehiyo para beripikahin ang naturang banta.
Makalipas ang ilang oras na paggalugad ng mga otoridad ay idineklarang cleared na ang buong OLPCC.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Ernesto Nebalasca Jr., ang Chief of Police ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na maraming naalarma sa bomb threat kung saan kinakailangan na ring magsuspende ng klase at pauwiin ang mga guro at estudyante.
Sa isinagawang inspeksyon, wala naman aniyang nakita na bomba o ano mang delikadong gamit sa lugar ang EOD K9 kaya maaari nang magpatuloy ang klase.
Sa ngayon ay inaalam pa ng management ng eskwelahan maging ang PNP kung sino ang nasa likod ng bomb threat, madali lamang aniya itong malalaman dahil social media ang ginamit sa pagpapakalat ng impormasyon.
May katotohanan man o wala ay dapat aniyang masampahan ng kaso ang nasa likod nito dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1727.
Dagdag pa ni PLtCol. Nebalasca, ito na ang pangalawang pagkakataon na nagkaroon ng bomb threat sa lungsod ng Cauayan kaya kailangan nilang magsagawa ng symposium o seminar para sa kaalaman ng lahat.
Paalala ng Cauayan Police Station na huwag nang magpakalat ng bomb threat dahil maaaring makulong ng hindi hihigit sa limang taon ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas.