CAUAYAN CITY – Isang pampasaherong bus ang sumalpok sa isang elf truck na may hila-hilang reaper machine sa national highway na bahagi ng Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao, Chief of Police ng Tumauini Police Station sinabi niya na sangkot sa aksidente ang isang Florida bus na minaneho ni Rogeric Taladtad, apatnaput anim na taong gulang, residente ng Brgy. Dodan, PeƱablanca, Cagayan habang ang reaper machine na hila-hila ng Isuzu elf truck ay minaneho ni Angelo Caro, dalawamput pitong taong gulang at residente ng Brgy. San Mateo, Tumauini, Isabela.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, binabaybay ng bus ang kalsada patungo sa Lungsod ng Ilagan nang biglang pumasok sa national highway ang elf na may hilang reaper na naging dahilan upang masalpok ito ng bus.
Nawasak ang harapang bahagi ng bus pangunahin sa bumper at windshield nito bagamat sa kabutihang palad ay wala namang nasugatan sa mga sakay ng dalawang sasakyan.
Aniya malayo pa ang bus sa elf truck ay nakapagpreno na ngunit dahil basa at madulas ang kalsada ay umabot pa rin ito sa reaper.
Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na bumabaybay sa mga lansangan na maging vigilant sa pagmamaneho lalo na ngayong maulan ang panahon at madulas ang mga kalsada.
Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na iwasan na ang pag-inom ng alak matapos na ipatupad ang liquor ban dahil sa bagyong Gener.
Iwasan din aniya ang pagtungo at pangingisda sa mga umaapaw na ilog upang makaiwas sa pagkalunod.