--Ads--

CAUAYAN CITY- Umabot na sa halos dalawang libong indibidwal ang nagsilikas sa lambak ng Cagayan dahil sa pananalasa ng bagyong Gener.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lucy Allan, Regional Director ng DSWD Region 2 sinabi niya na nasa 1,806 ang kabuuang bilang ng mga evacuees sa rehiyon dos na katumbas ng 639 na pamilya.

Ang mga ito ay mula sa lalawigan ng Nueva Vizcaya partikular sa bayan ng Ambaguio, Bambang at Dupax Del Norte kung saan 149 na pamilya mula rito ang nagsilikas dahil sa naitalang landslide sa Ambaguio.

Sa lalawigan naman ng Isabela ay walong pamilya o katumbas ng 36 indibidwal ang nagsilikas sa bayan ng Palanan at 22 na indibidwal naman sa bayan ng Aurora.

--Ads--

Pitong bahay naman ang naitalang partially damaged sa bayan ng Bambang kung saan maaari naman silang mabigyan ang mga may-ari nito ng cash assistance para sa pagkukumpuni ng kanilang bahay.

Sa ngayon ay nakapagbigay na ng 180 family food packs ang DSWD sa bayan ng Solano na nagkakahalaga ng 86,400 pesos habang 300 family food packs naman ang naibahagi sa Bambang, Nueva Vizcaya na nagkakahalaga ng 219, 489 pesos.

Naka-preposition naman na ang mga goods at non-good items sa mga Local Government Units sa Rehiyon na may kabuuang halaga na 187, 474,000 pesos.