CAUAYAN CITY- Sumailalim sa preemptive evacuation ang ilang mga residente ng Barangay Culasi, Palanan, Isabela dahil sa banta ng bagyong Gener.
Ito ay kinabibilangan ng walong pamilya o katumbas ng 36 indibidwal mula sa Barangay Culasi na nakatira malapit sa baybayin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Bert Neri, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Palanan, sinabi niya na sa ngayon ay nananatili pa rin ang mga evacuees sa evacuation center.
Nabigyan naman na ng food packs ang bawat pamilya at nahatiran na rin sila ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binabantayan naman nila sa ngayon ang apat na coastal Barangay ng palanan maging ang mga mababang lugar pangunahin na ang mga malalapit sa ilog.
Nananatili namang nakabukas ang emergency operation center ng Local Government Units at ng Barangay DRRM para tumugon sa pangangailangan ng mga residente.