CAUAYAN CITY – Naipasakamay na sa kani-kanilang mga pamilya ang labi ng tatlong myembro ng New People’s Army na nasawi sa nganap na sagupaan sa Sitio Pallay, Baliuag, Peñablanca noong Sept. 11, 2024.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DPAO Chief Capt. Ed Rarugal ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na sa pamamagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) ay naiuwi sa kanilang bahay sa kalakhang Maynila ang bangkay ni Alyas Isla.
Dumating sa lalawigan ng Cagayan ang kapatid ni Alyas Isla na mismong sumundo sa labi ng naturang rebelde.
Una rito ay dumating din ang Nanay ni Ka Jorly o Orlando Sagsagat para sunduin na rin ang labi nito at maiuwi sa kanilang bahay para maiburol.
Samantala, nakatanggap ng financial cash assistance ang naulilang pamilya ng mga nasawing NPA members mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2.
Ipinagkaloob kay Librada Gayagas, Ina ni Ka Jorly ang 20,000 pesos na cash assistance habang 50,000 pesos naman ang ipinagkaloob na tulong kay Ka Isla.
Sa pahayag ni nanay Librada, taong 2019 nang huli niyang nakausap ang anak at pinapasuko na rin noon sa gobyerno kasama ang kanilang mga kamag-anak.
Una nang nakatanggap ng tulong ang pamilya ni Ka Jorly mula sa DSWD Region 2 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng nasabing ahensiya.
Layunin ng tulong pinansiyal na ito na matulungan ang mga naiwang pamilya ng mga nasasawing rebelde na makapag simulang muli.