CAUAYAN CITY – Natupok ng apoy ang isang residential House sa bayan ng Alicia, Isabela.
Ang nasunog na bahay ay isang 3-unit Bunggalow house na pagmamay-ari nina Allan Flores.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO1 Christian Ramirez ng Alicia Fire Station, sinabi niya na ang isang unit sa naturang residential house ay nasa isang buwan nang walang nakatira habang ang mga nakatira naman sa katabing dalawang unit ay nasa burol ng kanilang kapit-bahay na kanila ring kaanak.
Ayon sa pagpapahayag ng isa sa mga nakasaksi ng sunog ay mayroon umano silang naamoy na usok hanggang sa bigla na lang umanong nagliyab ang naturang bahay.
Agad namang kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang ilan sa mga materyales ng bahay at dahil na rin sa mga combustible materials na nasa loob.
Umabot naman ng mahigit labing limang minuto bago tuluyang maapula ang sunog.
Bagama’t nagtulong-tulong ang mga residente na apulahin ang sunog ay wala namang naitalang nasugatan dahil sa insidente.
Maswerte namang hindi nadamay ang mga kadikit nitong bahay dahil gawa ang mga ito sa concrete materials.
Batay naman sa kanilang pagtaya ay aabot sa dalawang daang libong piso ang insiyal na halaga ng pinsala.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang pagsisiyasat ng Alicia Fire Station para matukoy ang sanhi ng sunog.