CAUAYAN CITY – Epektibo na ang ginagawang clearing operations ng mga service providers sa mga dangling wires o inactive lines sa mga poste sa Lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar Delmendo sinabi niya na binigyan nila ng deadline ang mga service providers para isaayos ang mga dangling wires sa Lungsod bilang bahagi ng Anti-Dangling Wire Ordinance sa Cauayan City.
Aniya, napagtanto nila na hindi masosolusyonan ang problema sa Dangling wires sa Cauayan kung iisa lamang ang kikilos laban dito kaya nagkasa sila ng joint effort para sa malawakang clearing operations para maalis ang mga dangling wires o inactive connections sa mga poste ng kuryente at commercial establishment.
Matatandaan na una silang nagsagawa ng pagdinig kaugnay sa naturang usapin kasama ang lahat ng mga service providers kabilang ang Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1.
Aminado naman siya na hindi sapat ang ilang araw para ilaan sa napakaraming mga dangling wires gayunman natutuwa siya dahil sa progreso ng kanilang isinulong na ordinansa.
Sa ngayon ay nagtakda na sila ng araw para sa clearing operations upang tuluyang matanggal ang mga sagabal na kable na nagkalat sa Lungsod.
Pinag-aaralan na nila ngayon na magrequire ng permit sa mga nais na magpakabit ng kable o connections sa kanilang mga gusali o bahay para mamonitor ito at hindi na maulit ang ganitong insidente kung saan naiipon at nagpapatung-patong ang mga linya o kable sa mga poste ng mga service providers.