CAUAYAN CITY – Nahihirapan ang National Food Authority Region 2 na maabot ang kanilang target na palay procurement ngayong harvest season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Rhic Fabian, Regional Information Officer ng NFA Region 2, sinabi niya na nasa isang milyong bags ng palay ang target nilang mabili sa mga magsasaka.
Kakaunti pa lamang aniya ang kanilang nabibili dahil punuan ang ilang mga bodega ng NFA sa Rehiyon partikular sa lalawigan ng Cagayan.
Hindi pa kasi nasimulan ang milling operations ng kanilang mga buffer stock na mula pa sa nagdaang harvest season kaya kakaunti lamang ang espasyo ng kanilang mga bodega para sa mga magbebenta ng palay.
Umaasa naman siya na pagsapit ng buwan ng Oktubre ay magkakaroon na sila ng kontrata sa mga privarte millers para magiling na ang kanilang mga stocks na palay.
Problema aniya nila ito dahil maraming mga magsasaka ang nagtutungo sa kanilang tanggapan para magbenta ng palay dahil na rin sa mas mataas ang kanilang presyo kung ikukumpara sa mga private traders.
Gayunpaman ay ginagawa naman umano nila ang kanilang makakaya para mabili ang mga ani ng mga magsasaka ngunit nilinaw nila na limitado lamang ang kanilang mabibili.