CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Commission on Election o COMELEC na mahigpit nang ipinagbabawal ng tanggapan ang substitution para sa mga kandidato pagkatapos ng filling ng Certificate of Candidacy (COC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2, sinabi niya na simula una hanggang ikalawang araw ng Oktubre lamang pwedeng magpa-substitute ang isang kandidato sa anumang dahilan.
Ngunit pagkatapos ng huling araw ng filling ng COC ay hindi na maaaring magpahalili ang isang kandidato maliban na lamang kung sila ay pumanaw o na-disqualified ngunit ito ay para lamang sa mga may political party at hindi para sa mga independent candidate.
Dapat din aniyang mag file ng COC bago o sa mismong November 15 para mapabilang ang pangalan sa balota.
Nilinaw din niya na lahat ng COC na isinusumite sa kanilang tanggapan ay kanilang tinatanggap at Law Department na ang bumubusisi kung tama ang mga impormasyong inilagay ng mga ito.
Dahil dito ay hinihikayat niya ang publiko na magreklamo sa kanilang tanggapan kung may isang kumakandidato ang naglagay ng mga maling impormasyon sa kanilang COC para maiwasan ang mirespresentation.